Thursday, April 19, 2007

Sa isang nagkukubling diwa

Sa isang lumang alapaap natagpuan niya ang kaniyang sarili, sumisinghap-singhap sa liwanag ng mga tala sa dakong natatanaw lamang. May ilaw pa kayang madadatnan pagsapit ng panahong kaya na niyang abutin ang dati’y isang dipang layong aninaw lamang sa kawalan?

Magulo ang mundo. Magulo ang buhay ko. Parang isang sapot na nagtagni-tagni’t winalanghiya ang isang masayang alaala na sa isang sulok na lamang ng aking katinuan nakabaon. Hindi maaaring mahukay ng gayon lamang. Ngunit nais ko itong mahawakan, malanghap, matikman. Hindi baling may pait kung ang dulong maaabot ay matamis ang naghihintay. Hindi na baling lumuha ng bagyo kung ang katahimikang nagbabadya ang siyang masisilayan ko. Ano nga ba ang buhay? Mayroon nga bang totoo?

Umaalon ang musika sa aking pandinig… noong una’y malungkot haggang sa bawa’t himig na binibitawan ay nagbibigay kulay sa dati’y walang buhay na kadiliman. At sa aking kamalayan ay imahe ng dalawang pusong magkaakap, nagmamahal, puno ng pag-asa. Habang ang diwa ko’y naglalakbay, ako’y nag-aalalang hindi na ito muling makakabalik sapagka’t ang aking sapantaha’y ito ay may kakayahang mamalagi sa mundo na hindi totoo. Anu’t ano man, ang puso ko’y buo, walang dungis walang bahid. Saan man ako magtungo, tiyak matutunton ko ang daan pauwi.

Malungkot kong tinitingnan ang bawat salitang nabubuo sa isang blankong papel na de makinarya. Walang kahulugan ngunit malalim ang pinaghuhugtan. Gusto kong umiyak pero para saan, para kanino? Matapang ang taong lumuluha sapagka’t wala siyang takot palayain ang kaniyang emosyon. Nais kong isiping matapang ako. Ngunit ang totoo’y isa akong duwag na walang alam gawin kundi ang magkubli sa mundo na malayo sa realidad. Wari’y nanaghoy ang aking musika – may luha ang bawat ritmo, may tangis ang bawat salita.

-Isang tanghaling nakakapraning

0 Comments:

Post a Comment

<< Home